Monday, September 5, 2011

Ang Obra na nagbigay pagkapanalo at dangal sa Tarlac Montessori School sa larangan ng "Editorial Writing" sa Wikang Filipino TCPEIA-Press Conference 2011
na ginanap noong ika-2 at 3 ng Setyembre, 2011 sa Don Bosco Technical Institue, Tarlac City, Tarlac.


"MALAYANG KAMALAYAN SA WIKANG FILIPINO"


(May Akda: Chenoa-Eve Lumba Mendoza)


Nakasalalay sa mga hanay ng Pilipino, ayon kay Carlos P. Romulo, ang pagpapanatiling buhay ang wikang kinapanganakan ng sangkatauhan.


Naitatala sa artikulong akda ni James Soriano sa pamagat na "Language, Learning, Identity, Privilege" na ang wikang Filipino ay wika ng mga natututo ngunit hindi wika ng mga mayroong pinag-aralan. Ngunit sa kabilang dako'y may isang katanungang namamayagpag sa puso ng bawat isa - kung may dugong Pilipinong nananalaytay sa atin, saan nagtungo ang pagmamahal sa sariling wika? 


"Wika'y ipaglalaban at ipagmamalaki sa mga sandaling ito'y ipagkait at yurakan sukdang kit'lin ay taglay na pagmamalaki", pakli ni Amado V. Hernandez.


'Ika nga'y diyalekto lamang ang Filipino ng mga "informal settlers", tindera, o maging katulong, ngunit sa isang lugar ay nalilikmo ang isang daing na hindi nabibigyang halaga - ang Wikang Filipino ay wikang nakapagbibigay-daan sa atin na maihayag ang sariling saloobin na kahit sa anumang paraan ay hindi maisasaling wika.


Hindi basta isang naturang diyalekto lamang ang Filipino. Ito'y isang wikang nagkakaroon ng sariling sistema sa sariling ayos, tunog at maging simbolo. Hindi kadalasang nabibigyang pansin at tuon ang wikang Filipino sapagkat naturingan nang wika sa kalye at kusina; gayundin hindi ito wika sa silid aralan, laboratoryo, korte at maging sa mga pagamutan.


WIKA - ugat ng lahat, ugat ng kaunlaran ng edukasyon na tila isang "dial tone" ng teleponong alam nating simula ng isang mahabang linyang walang patid. Tiyak na daan ang wika sa kabatirang pangkalahatan at tila isang martilyong tanging makawawasak sa kamangmangang sumusupil sa bawat isa.